Nasan na ba sila ngayon?

Ang dilim dito. Doon tayo sa ilalim ng poste.

Wala ng nagdadaan. Hatinggabi na.

Hahaplusin ko sana ang buhok mo tapos iiwas ka lang, pero biglang mong hinaplos yung kuting na nagdaan.

Ayaw ata sayo e.

Kumaripas ng takbo si kuting.

Pustahan galing yan sa paghahalukay sa mga basurahan.

Ngiti na lang ba palagi ang isusukli mo sa akin? Di bale, ok na yan kesa sa palagian mong pagtingin sa kawalan.

Lagi kang ganon e. Parang lumalangoy sa ere ang isipan mo. Pero ayos lang. Nakikilangoy rin naman ako. Huwag lang matagal baka pareho tayong madapa.

Isang araw sa hardin, humiga ka sa tabi ko. Parang kang may sakit e.

Di ka naman pwedeng kumain ng damo gaya ng mga hayop.

Tara sa limlim ng puno. Parating na ang araw.

Pero hatinggabi na nga pala.

O, hatid na kita. Siopao? Spageti? Balot!

Pwede ba kitang halikan? Kahit good night kiss lang.

Hapo ka na nga. Sige. Magpapraktis na lang ako dito sa gate nyo.

Isang pitas ng pulang gumamela.

Ilalagay ko sa palad mo.

Hihipanin ko ang bula pero bakit ko nahigop. Ibang klase tong Tide a. Di masarap. Lasang sabon.

Dikdikin ang kukote at tigilan na ang pangangarap nang gising.

Ako na lang ba parati ang sasakop ng kalsada?

Wala bang ibang batang ligaw sa oras na to?

Ewan. Eto na si aso’t kakahol-kahol. Pati ang mga pusa ay sinalubong na ako.

Salamat mga kaibigan.


Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *