Okei Kaya?

Okei kaya na maging bum na lang?

Kumain ng cream puff o kaya chiffon buong araw.

Maghalungkat ng mga lumang DVD at panoorin paulit-ulit.

O kaya maghardinero sa bakuran.

Tutal, kailangan nang gapusin ang bougainvilla dahil sumasayad na sa kawad ng kuryente. Marami na ring bunga ang punong mangga. Ano pa ba… Kailangan nang tagpasin ang puno ng aratilles na pumupunta sa bakuran namin – nagkakalat lang ng dahon.

Alam ko marami pang kailangang gawin.

Linisin ang mala-bodegang kwarto na tanaw ang kalsada. Gawing siestahan ang veranda para kapag hapon na at walang magawa, hihiga ako doon at magbabasa ng komiks.

‘Yung mga sako pala ng lumang damit, baka napahalo doon yung Nintendo ko. Miss ko na rin maglaro ng Mario at Duck Hunt. Nililinis ko pa dati yung loob ng controllers kapag puno na ng libag at kulangot, kaya nga naman di na pumipindot. At buti na lang di ko ginupit yung baril, dahil balak ko pa namang gayahin si Captain N.

Okei kayang iwan na lang basta ang isang buhay at mawala? Parang superhero, may maghahanap kaya sa akin? Okei din sanang magpatubo ng bigote at magpa-long hair. Tapos hindi na ako bibili ng damit, magpapatahi na lang ako.

‘Yung mga aso, papaliguan ko at gugupitan ko ng kuko para di naman nakakakalmot ng mga bisita. Ipapasyal ko sila sa parke at ipagluluto ng ispageti sa bertdey nila.

Sayang, namatay yung pusa namin at tatlo niyang kuting. Heat stroke daw sabi ng nanay ko. Naglalakad lang daw at biglang bumulagta. Ayun, walang nag-alaga sa mga bago niyang panganak.

Sana may maligaw na pusa ulit dito.


Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *