
👋 Oi, mga repapips, Brian Dys here! I love music, photography, and creative stuff like UX design and art. This is a place where I collect my thoughts and works. Apart all these, I’m Jaycelle’s better half and Bryce’s dad. 🥰
c. 1987
Tag-ulan. Tag-hirap kami. Nasanay ako na taun-taon ay ibinibili ako ng mga magulang ko ng bagong sapatos para sa pasukan. Ngunit noong darating na pasukan ay lumang sapatos ko pa rin ang aking gagamitin. Nakanganga na nga at gusto akong belatan.
Isang umagang malakas ang buhos ng ulan. Kumuha si mama ng dalawang plastik na supot at isinuot sa paa ko pagkatapos ng medyas. Nilagyan ng goma para hindi maalis. Isinuot ang sapatos. Para daw hindi mabasa ang medyas ko sa basa ng ulan. Nakangangang sapatos, lululon ng tubig-baha.
Okei lang sa akin. Kahit pala para akong pulubi noon, wala akong pakialam sa mga kaklase ko noong grade 1.
c. 1992
Dumalo ako sa kaarawan ng aking pinsang magpi-pitong taong gulang. Naka-fairy costume siya noon at may magic wand pa. Sa kaliwa’t-kanan niya ang mga alagad na mga bagets din na nakaporma. Sasayaw sila bilang isang malaking handog para sa mga imbitado.
“E Kasi Bata” ang saliw na musika. Naaalala ko pa kung paano ang tugtog nito. Ganito: “E kasi bata! (Ten! Den!),” sabay taas ng kili-kili ng pinsan ko sa bandang “ten! den!”.
Kung bakit hinding-hindi maalis sa isip ko ang pangyayari sa araw na ‘yon ay dahilan sa nangingitim na kili-kili niya habang tinataas niya ito sa “ten! den!”.
c. 1989
Kumatok isang araw ang dalawang bata sa gate namin. Humihingi ng takip-kuhol. Isang klase ng halaman na pinapakuluan ang dahon para maging inumin ng matatanda. Pangpagaling daw ito ng sari-saring karamdaman.
‘Yung isang batang lalake ay si Riban at ‘yung kasama niyang batang babae na tila tibo ay hindi na nagsalita kaya hindi ko nakilala. Pinapasok sila ng lola ko at pinapunta sa bakuran upang kumalap ng mga dahon ng takip-kuhol. Tig-isa silang may dala ng plastik.
Nalaman kong meron din palang takip-kuhol ang lolo’t lola ko sa ref. Nakalagay pa sa bote ng isang litrong Coke. Kaya nang tikman ko, parang matabang na ewan. Pwede rin daw sa akin ‘yun ‘pag may balisawsaw ako.
c. 1992
Tumakbu-takbo si Ian sa HELE subject namin. Tingin niya siguro wrestling ring ang klasrum. Nagpatalbog-talbog mula dulo pabalik. Napabarandal ang kanang kamay niya sa pakong nakausli sa pader.
Ngalngal siya. Tawanan kami.
c. 2006
Okey lang namn na may gerlpren basta marunong kang magdala; tiyak na magkakasundo kayo.
Kung gusto mo ng long time relationship, dapat hahabaan ang pasensya at maging understanding. Higit sa lahat, ipakita mo ang tunay na nadarama mo sa kanya. Ibig kong sabihin ay ‘yung pagmamahal mo sa kanya.
Commenting is disabled.
c. 1997
Nauso ang topsider na may medyas. Nauso ang balat na sandalyas na may butas-butas at strap na may medyas. Baduy daw sabi ng tiyo ko. Hindi ko sila ginaya. Jeprox ba? Baduy. Jologs sa panahon ngayon.
May kilala akong nagsusuot ng Birkis tapos medyas. Nagmula siya sa Davao at nag-aral sa Ateneo De Manila. Kawawang bata, hindi alam ang kalakalan sa Maynila.
Published in happyobituary.multiply.com on 14 March 2008 5:41 am.