Matagal na nawalay si Nena sa kanyang ina. Naglayas siya noong dose anyos pa lamang siya. Doon siya lumaki kina Tiya Choleng. Makalipas ang limang taon, naririto na si Nena sa bahay na kung saan siya isinilang. Lungkot lang ang bumalot sa kanya. Tahimik at madilim ang loob ng bahay. Walang gaanong pinagbago.
Sukbit-sukbit pa ang backpack na puno ng damit, bumungad sa kanya ang inang halos hindi niya makilala. Papaalis sana si Margarita para mag-mahjong. Napamulagat na lamang siya nang makita ang anak na nakatayo sa pintuan. Tumaba si Margarita. Mistulang isang donya ang postura nito. Tadtad siya ng alahas at napansin din ni Nena na ilang libong pulgada ang nadagdag sa ina.
Pumasok sa eksena si Bantay at kinahulan si Nena. Tumulo ang luha ni Margarita habang hawak ang abaniko.
“Bakit, Ma? Bakit ka lumuluha?”
“Hindi ko kasi naturuan si Bantay na mahalin kang tunay.”
Leave a Reply