Ilang taon ko na ring hindi nakakausap si Ivee simula nang magpunta siya sa Dubai para magtrabaho.
Bumalik ang ala-ala ko sa gabing nagkaroon ng rambulan sa padiskuhan sa kalsada sa barangay namin. Nakita ko si Ivee na kalmado lang, nakaupo, mag-isa sa mesang puno ng beer. Habang ang lahat ay nagkakagulo, nagtutulakan, sinisira ang inarkilang mobile, nilapitan ko siya. Parang matatalas na mga talahib ang hinawi ko para lang makarating sa kanya.
Ngumiti siya pagkaupo ko. Nag-usap kami ng ilang saglit lang ngunit parang ang liwanag sa kanyang mukha ay nagsabi na “salamat at dumating ka.”
Natapos ang gabi at lingid sa pagkakaalam ko tatlong taon na pala ang lumipas.
Narito ako ngayon sa eksaktong lugar kung saan kami nagkatagpo. Pinagmamasdan ko lang ang numerong iniwan niya bago siya lumisan. Tinawagan ko na siya dati pero walang sumasagot. Kinalimutan na yata ako.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan nabanggit sa akin ng pinsan ko kung kumusta na si Ivee. Oo nga pala, inaya ko si insan na tumumba ng alak. Nariyan pala siya sa harapan ko.
Muli kong tinawagan ang inaamag na numero at pagkatapos ng mahabang katahimikan biglang may sumagot.
Leave a Reply