Maniniwala ka ba na sa tuwing ipapaalala mo sa akin ang hapon na ating pinagdaanan ay natutunaw ako? Sa lamig at sa lungkot. Ikaw na lamang ang palagiang dahilan ng aking pagbagsak. Sa mga panahong pakiramdam ko ay handa na akong humarap at iwanan ang nakalipas, susulpot ka na naman. Hatid-hatid mo ang mga pahapyaw na sulyap na hindi ko naman maaninag kung ito ay matalas o nangingilid-ngilid din sa luha. Puwede bang tigilan mo na ang pahirap na ipinapataw mo sa akin? O sa Diosa ng Pag-ibig ko ba dapat hilingin ito?
Hanggang sa ngayon hindi ko maalaman kung ano ba talaga ako sa iyo. Ako ba ay isang panaginip lamang na kaaya-ayang panatilihin sa isipan? Isang kaibigang kaluluwa? Mas mabuti pang hayaan na lang natin ang lobo kong anyo sa iyo. Hinding-hindi natin matatapos ang mga bagay na ating sinimulan noong isang marikit na araw na itinadhana. Magwawakas na lamang ang lahat sa pamamagitan ng paglimot. Ngunit sa dapit-hapon ay iisipin ko kung ano kaya ang nangyari kung sakaling tinungo nga kita sa kabilang dulo ng mundo at doo’y lumuha sa iyong harapan.
Ang pag-asa na inaasam-asam ko sa mga panahong ito ay ipinagkakait pati ng Dios sa akin. Ngayong gabi ako magpapatiwakal upang sa gayon, magkaroon ako ng pagkakataon na mabuhay muli.
—
From Happy Obituary 2005